Saturday, February 26, 2011

ISANG DIPANG LANGIT

Isang Dipang Langit - Amado Hernandez




Ako'y ipiniit ng linsil na puno
hangad palibhasang diwa ko'y piitin,
katawang marupok, aniya'y pagsuko,
damdami'y supil na't mithiin ay supil.

Ikinulong ako sa kutang malupit:
bato, bakal, punlo, balasik ng bantay;
lubos na tiwalag sa buong daigdig
at inaring kahit buhay man ay patay.

Sa munting dungawan, tanging abot-malas
ay sandipang langit na puno ng luha,
maramot na birang ng pusong may sugat,
watawat ng aking pagkapariwara.

Sintalim ng kidlat ang mata ng tanod,
sa pintong may susi't walang makalapit;
sigaw ng bilanggo sa katabing moog,
anaki'y atungal ng hayop sa yungib.

Ang maghapo'y tila isang tanikala
na kala-kaladkad ng paang madugo
ang buong magdamag ay kulambong luksa
ng kabaong waring lungga ng bilanggo.

Kung minsa'y magdaan ang payak na yabag,
kawil ng kadena ang kumakalanding;
sa maputlang araw saglit ibibilad,
sanlibong aninong iniluwa ng dilim.

Kung minsan, ang gabi'y biglang magulantang
sa hudyat - may takas! - at asod ng punlo;
kung minsa'y tumangis ang lumang batingaw,
sa bitayang moog, may naghihingalo.

At ito ang tanging daigdig ko ngayon -
bilangguang mandi'y libingan ng buhay;
sampu, dalawampu, at lahat ng taon
ng buong buhay ko'y dito mapipigtal.

Nguni't yaring diwa'y walang takot-hirap
at batis pa rin itong aking puso:
piita'y bahagi ng pakikilamas,
mapiit ay tanda ng di pagsuko.

Ang tao't Bathala ay di natutulog
at di habang araw ang api ay api,
tanang paniniil ay may pagtutuos,
habang may Bastilya'y may bayang gaganti.

At bukas, diyan din, aking matatanaw
sa sandipang langit na wala nang luha,
sisikat ang gintong araw ng tagumpay...
layang sasalubong ako sa paglaya!

Bartolina ng Muntinlupa
          Abril 22, 1952

No comments:

Post a Comment